Ang Sayaw ng Gago at Tanga

(Isang Pagbawi sa Iilan sa Mga Naihayag na sa Tulang “Putang Inang Gago Ka”)

Isang tula ng pagbawi sa mga naihayag na sa isa sa mga nauna nang naisulat na tula —

Sa totoo lang, hindi ka naman talaga
pakshet na buwisit na putang inang
gago.

Gago lang.

Gago lang kasi

alam mo kung paano ako
gumalaw.

Naiintindihan mo ako
nang para bang napag-aralan mo na
kung paano ako maglaro.

Hindi nga tayo sumayaw

sa ilalim ng mapula-pulang ilaw
sa kalagitnaan ng ballroom ng hotel
na pinagdaluhan ng graduation ball natin.

Ngunit sumayaw na tayo,
hindi lang doon.

Sumayaw tayo

sa mesa,
sa board
sa ibabaw nito,
sa pamamagitan
ng mga kahoy na piyesang
nakaluklok sa kani-kanilang
mga kuwadro rito.

Gago ka lang kasi

alam mo kung paano ako
sumayaw

at naiintindihan mo ako
nang para bang napag-aralan mo na
kung paano ako sumayaw,

maglaro.

at nakipagsayawan ka sa akin,

at nakipaglaro ka sa akin,
pinaglaruan mo ako,
at hinayaan kitang
paglaruan ako.
At gago ka lang kasi
tanga ako.

Ang Labingdalawang Magkakapatid na Nagsalo

Isang tula tungkol sa pera —

Sa kadulu-duluhan ng kalsada ng Lagan, mayroong
labingdalawang magkakapatid mula sa iisang ina,
iisang ama, na nabuhay sa ilalim ng iisang bubong.
Magkakasalo sila sa hapunan, kanya-kanyang kuha
mula sa mga ulam na nakalatag sa bilog na mesa ng Narra.
Nabuhay silang magkakasama sa init ng araw, sa dilim ng gabi,
sa piling ng pundidong ilaw na nakalawit sa tabi ng haliging inaanay.
Ilang dekada rin, sa hirap, at sa hirap, paunti-unti,
dahan-dahan, paisa-isang gumapang at gumagapang.
Naging mabigat ang kisame sa harap ng nag-iisa at matanda nang
haligi na hindi na naiwasang matumba sa kakulangan ng ilaw
sa dilim. Sumabay sa pagguho ang buong bahay sa paligid.

Nang makita ng magkakapatid ang naiwan sa dating tahanan,
pinag-agawan din ng parang ulam lang sa bilog na mesa ng Narra.
Nawala ang dugo, nawala ang ilang taon, sa harap ng pira-pirasong papel,
nawala ang labingdalawang magkakapatid na nagsalo.

Putang Inang Gago Ka

Isang tula ng pag-ibig na walang pag-ibig —

Alam mo bang nagsulat ako
ng isang nobela tungkol sa’yo,
sa mukhang kambing mong ngiti,
at kuba mong likod. Putang inang
gago ka, ilang libong salita at ilang
daang pahina na punong-puno na
ng walang kupas na kakesuhan.
Paglalandian dito at doon, iilan
totoo, maraming kuro-kuro. Pakshet,
buwisit ka, wagas kasi kung makasalita.
Kung makahawak, akala mo hindi na
bibitaw. ‘Buti sana kung guwapo,
‘buti sana kung mabait. Mabuti na lang
hanggang sa kuwento lang tayo
sumayaw.

Mga Bituin

Isang tula ng negasyon –

Hindi malapit, hindi.
Hindi gaya nang kung
ano ang nakikita natin
mula sa inuupuang duyan
ngayong gabi.
Hindi buhay, rito o roon.
Nagmumukha lang,
nagpapanggap.
Hindi kumikislap, hindi
kumikinang, hindi
talaga. Kungyari na lang.

Magkakalayo, hindi
magkakasama. Sumasabog,
hindi buo, hindi isa.
Hindi nagpaparamdam,
nananahimik lamang
sa kung saan man talaga
siya, kunwari na lang
mayroon nga.